Looking for a place to stay in Manila? Secure, Furnished 2BR/2BA Condo Above a Mall, with Wi-Fi & Pool!

OFW Tour: Ang Hiyas ng Palawan

puerto-princesa-river-story-1a-feb-23-2012-500x450 ofwtimes.com
Share, E-mail or Print This Post :-)
Share on FacebookTweet about this on TwitterShare on Google+Pin on PinterestShare on LinkedInShare on TumblrEmail this to someonePrint this page

Kabayan, nasilayan mo na ba ang ganda ng underground river ng Puerto Princesa?

At kung hindi pa — inaanyayahan kitang tuklasin mo ito sa susunod mong bakasyon sa Pilipinas.

Marahil ay alam mo na na ang ilog na ito sa Palawan ay itinanghal bilang isa sa New 7 Wonders of Nature sa mundo. Iyan ay kamaikailan lamang – hindi pa hihigit isang buwan ang nakakaraan.

Subalit apat na taon na ang nakalilipas nang una akong mabighani ng ilog na ito.

Hayaan mo ‘kong sariwain at ibahagi ang alaala ng aking pakikipagdaupang-palad sa kahali-halinang kagandahan ng ilog ng Palawan.

Ang lathalain sa ibaba ay isinulat ko noong 2008 at una nang nalathala sa Arab News PinoyXtra sa Saudi Arabia.

Sana — pagkatapos mong mabasa ang blog post na ito ay magkaroon ka rin ng paghahangad na tuklasin sa susunod mong pagbabalikbayan ang natatanging kagandahan ng “Hiyas ng Palawan”.

[Paki-klik ng link na ito para ma-DOWNLOAD  ang PDF file ng lathalaing ito.]

[Para sa inline text ng artikulo, paki-scroll down na lang po hanggang sa ibaba ng larawan na ito.]

puerto-princesa-river-story-1a-feb-23-2012-500x450 ofwtimes.com

puerto-princesa-river-story-2a-feb-23-2012-500x450-ofwtimes.com

Gusto mo bang maiba naman ang iyong karanasan sa susunod mong bakasyon sa Pilipinas?

Marahil ay sawa ka na sa pamamasyal sa mga tradisyunal na tanawing lugar kung saan ay may makikitang makapagpigil-hiningang tanawin. Kung gayon, isama mo na sa iyong talalakbayan ang underground river ng Puerto Princesa sa Palawan.

Ilog sa ilalim ng lupa? Ilog na may yungib? O, yungib na may ilog?

Kakaiba  ang tanawing ito na matatagpuan sa malapit sa dalampasigan ng Sitio Sabang, na nasa hilagang-kanluran at 80 kilometro mula sa sentro ng Lungsod ng Puerto Princesa.

Maliban sa umaagos ang underground river sa loob ng isang yungib, binabagtas din nito ang halos 8.2 kilometrong kahabaan bago tuluyang dumaloy sa South China Sea. Umaabot sa lima hanggang pitong metro ang lalim ng ilog.

UNESCO World Heritage Site

Ang kati (tide) sa bukana ng yungib ay  kadalasang tumataas dahil sa epekto ng pinagsanib na sariwang tubig at tubig- dagat. Ang kakaibang katangiang ito ng ilog ay ‘di nalingid sa United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO). Kaya noong 1999 ay napabilang ang underground river ng Puerto Princesa sa prestihiyosong talaan ng World Heritage Sites ng UNESCO.

“Isang Commander Bates, manlalayag na Briton, ang nakadiskubre sa lagusan,” pahayag ni G. Herman Paalan, tour-guide ng The Legend Palawan Hotel, sa pagbisita ng Pinoy Xtra sa Palawan kamakailan. “Ngunit ang mga katutubo (Batak) sa lugar ang unang nakatuklas nito. Subali’t ‘di nila pinasok ang kuweba sa paniniwalang may mga espirito na nananahanan dito at kamumuhian sila ni Bathala.”

St. Paul Subterranean River

 “St. Paul Subterranean River” ang dating tawag sa underground river. At ang yungib ay kilala rin sa pangalang “St. Paul’s Cave”. Marahil ang  dahilan  ay  ang agos nito ay dumadaloy papuntang St. Paul’s Bay, sa may bunganga ng South China Sea.

Maliban dito, ang ilog na ito ay nagsisimula mga dalawang kilometro sa timog-kanlurang bahagi ng Mt. St. Paul sa taas na 100 metro mula sa dagat, bago nito binabagtas ang silong ng kahabaan ng St. Paul Mountain Range. Sa kabundukang ito ay matutunghayan ang iba’t- ibang uri ng flora at fauna (tulad ng matsing, bayawak, kasay-kasay, tagak, pawikan, apitong, ipil, bakawan, atbp.) na madalang nang makita o dili kaya’y ‘di na nakikita sa ibang bahagi ng bansa o daigdig.

Puerto Princesa Subterranean River National Park

Sa ngayon, ang underground river ay kilala sa opisyal na pangalang “Puerto Princesa Subterranean River National Park”  sa bisa ng Presidential Proclamation 212 ni dating Pangulong Joseph Estrada. Simula noong  1992, sa ilalim ng Republic Act 7586, inilipat ang pamamahala sa Underground River mula sa pambansang ahensya ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa kamay ng pamahalaang lokal ng Puerto Princesa.

Para makapasok sa yungib at makapamangka sa ilog, ang mga turista ay kinakailangang magpatala sa mga kawani ng national park na nakapuwesto sa isang silungang-pawid sa  pampang ng ilog malapit sa bukana ng yungib.

Tumatagal nang halos 45 minuto ang bawa’t biyahe sa loob ng kuweba ng bangkang may lulan hanggang walo katao lamang.

Mahigpit ding ipinapatupad ang pagsuot ng life vest ng lahat ng mga nakalulan sa bangkang de-sagwan habang naglalayag sa ilog.

Ang sino mang nakaupo sa pinakaunahan ng bangka ang siyang hahawak ng malaking flashlight, na nakakawil sa isang bateriyang pang-truck, na magsisilbing sulo o ilaw sa pagpasok sa madilim na yungib.

Ipinagbabawal din ang pagtatapon ng anumang bagay sa ilog o sa loob ng yungib.

Kamangha-mangha

Animo’y sa pelikulang pantasya lamang masisilayan ang mga  eskultura na may sari-saring anyo at nakahilera sa kahabaan ng ilog. Kamangha-mangha ang mga anyong-batong ito na na may hugis na higanteng kabute, kalabasa, mais, puso ng saging, at siling pukinggan.

Kagila-gilalas din kung papaano nahubog ang mga imahen at estatuwang hawig ng “Sagrada Familia”, belen (nativity scene), “Ang Tatlong Mago”, angel, at mukha ni Kristo.

Sharon Stone

At pati ang hugis ng isang  babae ay makikitang mapang-akit na nakaukit at bahagyang nakakubli sa tipyas ng bato. “Oh, yeah, Sharon Stone!”, bulalas ng isang turistang Amerikano na naroon.

St. Paul’s Cathedral

Pinakabukod-tanging pang-akit  ng ilog ay ang bulwagan na  tinaguriang “St. Paul’s Cathedral”, ang pinakamataas na bahagi ng yungib na may  63-metrong taas ng kisame nito mula sa ibabaw ng tubig ng  ilog.

Ang mala-katedral na yungib — marmol at batong-apog ang kisame’t dingding — ay pinananahanan ng halos walong uri ng paniki. Ang mala-esmeralda at matabsing na tubig-ilog ay kublihan ng ilang uri ng mga hipon at igat.

Karst Formation

Ayon sa bangkero na nagsisilbing tour guide sa underground river, ang lagusan at ilog ay nabuo dahil sa tinatawag na karst formation ng kalikasan. Ito ay resulta, aniya, ng ulang asidikong tumagos sa mga matitigas at malalaking bato (punduhang bato) sa ilalim ng kabundukan.

Ang prosesong ito ay nagbigay-daan upang magkatipak-tipak ang mga bato, tulad ng apog (limestone) at mahubog ang mga mumunting lagusan sa ilalim ng lupa. Sa kalaunan, ang mga bato ay unti-unting nalulusaw at dahan-dahang lumilitaw ang maliliit na tubig-daluyan hanggang maging yungib. At sa loob ng nabuong kuweba, ang patuloy na paghahalo’t pagsasalasalabat ng mga estalaktika (tulo) at estalagmita (tulos) ay nag-iwan ng sari-saring anyong-bato sa paglipas ng mahabang panahon.

“Sa kadahilanang pangkaligtasan ng mga bumibisita rito, sadyang 1.5-kilometro ng ilog lamang ang maaaring pasyalan,” paliwanag ng isang bangkerong tour guide.  “Karagdagang pahintulot mula sa pamahalaang lokal (ng Puerto Princesa) ang kailangan ng mga nagnanais galugarin ang ilog hanggang sa 4.2 kilometro gamit ang bangka.  Kung mahigit pa sa distansyang 4.2 kilometro ay makipot na ang lagusan. Tanging mga sanay na maninisid na may mga natatanging aparato ang maaaring pahintulutan doon.”

Puerto Princesa: 1 oras at 15 minutong biyahe mula sa Maynila

Halos 567 kilometro sa timog-kanluran ng Maynila, ang Puerto Princesa ay isang oras at 15 minutong biyahe sa eroplano o kulang-kulang na 24-oras na biyahe sa barko.

Mula sa paliparan o pantalan ng Puerto Princesa, mararating ang bukana ng underground river sa loob ng dalawa’t kalahating oras na biyahe sa van, 20 minutong sakay sa bangka, at mga 10 minutong paglalakad sa kagubatan.

Nag-aanyayang kalikasan

Sadyang mabubusog ang mga mata mo sa daan pa lamang habang bumibiyahe   papunta sa mga tanawing ito at hindi mo mamalayang patindi nang patindi ang iyong pag-aasam sa underground river. Bakas na bakas ang kagandahan ng nag-aanyayang kalikasan — matatayog na kabundukan, luntiang kagubatan, maaliwalas na papawirin, sariwang simoy ng hangin, malinis na sapa’t batis, mala-esmeraldang karagatan, mapang-aliw na huni ng mga kagaygay, at busilak na dalampasigan!

Ano pa nga ba’t para kang idinuduyan ng kalikasan at unti-unting ihinahatid  patungo sa kasukdulan ng iyong paglalakbay — ang masilayan at tuluyang mabighani ng underground river.

Last ecological frontier ng Pilipinas

Hindi binansagang last ecological frontier ng Pilipinas ang Palawan ng walang kadahilanan.

Sadya ngang walang alinlangang masasabi na ang underground river ng Puerto Princesa ang siyang pangunahing salik upang ang bahaging ito ng mundo ay patuloy sa kanyang pagiging sangktwaryong pangkalikasan at maituring na isang paraiso.

At sa susunod na uwi mo sa ‘Pinas, kabayan, panahon na para tuklasin mo rin ang underground river ng Puerto Princesa — ang “natatagong hiyas ng Palawan.”

Napasyal ka na rin ba rito? Kung nakapunta ka na rin dito, kumusta naman ang iyong naging karanasan? Maari mong ibahagi ang iyong kwento sa Leave a Comment box sa ibaba.

————————————————————————————-

OFW Times (www.ofwtimes.com): ang blog tungkol sa mga OFW, para sa mga OFW, at gawa ng mga OFW. May kwento, balita o opinyon ka bang gustong ibahagi para sa mga OFW? Pwede mong isulat ito at ipadala sa OFW Times upang maisaalang-alang para mailathala. Maari mong isulat ito sa English o Filipino. Ipadala ang inyong orihinal na artikulong sinulat sa nar@ofwtimes.com.

Share, E-mail or Print This Post :-)
Share on FacebookTweet about this on TwitterShare on Google+Pin on PinterestShare on LinkedInShare on TumblrEmail this to someonePrint this page

0 comments… add one

Leave a Comment